--Ads--

Bumubuo ang Cauayan City ng isang digital emergency response system na may mobile application upang mapabilis ang pagtugon sa mga emergency at disaster-related incidents sa komunidad.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay BGD Command Center Head Michael Cañero, sinabi niyang bahagi ito ng paggamit ng teknolohiya para mapahusay ang disaster response at koordinasyon sa mga responder gaya ng BFP at rescue teams.

Tinawag na “Cauayan City Emergency Response System” ang naturang sistema, kung saan maaaring magparehistro ang mga residente at gamitin ang application sa oras ng emergency upang magpadala ng alerto, larawan o video ng insidente at paunang impormasyon tungkol sa kondisyon ng pasyente.

Matatanggap ito ng command center na siyang tutukoy sa kinakailangang response at magdi-dispatch ng mga responder. May navigation feature din ang sistema upang mabigyan ang responders ng ruta patungo sa lugar ng insidente, pati tinatayang oras ng pagdating.

--Ads--

Maaari ring subaybayan ng residenteng humingi ng tulong ang status at lokasyon ng mga na-dispatch na responder habang papunta sa lugar.

Bukod dito, maaari ring magkaroon ng live video coverage mula sa lugar ng insidente upang makita ng command center ang aktuwal na sitwasyon at matukoy kung may kailangan pang karagdagang responder o kagamitan.

Ayon kay Cañero, layunin ng sistema na mapabilis ang emergency response at mabigyan ang command center at responders ng mas malinaw na impormasyon bago at habang tinutugunan ang insidente.