--Ads--

Pormal nang pinasinayaan ang bagong tanggapan ng BGD Command Center na matatagpuan sa ikatlong palapag ng Quick Response Base 1 o QRB1 sa Barangay Cabaruan, Cauayan City nitong Setyembre 22.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Michael Cañero, Head ng BGD Command Center, isinagawa ang pagpapasinaya kasabay ng ika-16 na anibersaryo ng Cauayan City Emergency Rescue Service.

Ayon kay Cañero, layunin ng bagong tanggapan na higit pang mapahusay ang operasyon at pagtugon ng BGD Command Center, partikular sa mga insidenteng nangangailangan ng agarang emergency response.

Kabilang din sa mga nakikitang development ang paggamit ng mga bagong teknolohiya upang mapabilis at maging mas episyente ang pagtugon sa mga emergency situation.

--Ads--

Samantala, binanggit ni Cañero ang planong pagbuo ng “Isumbong” application para sa Cauayan City, na maaaring gamitin ng mga residente upang i-report ang kanilang mga reklamo o problemang nakikita sa kanilang lugar.

Sa pamamagitan ng app, direktang maipararating umano ang mga sumbong sa City Mayor’s Office at sa mga concerned agency. Halimbawa, maaaring i-report dito ang mga basurang matagal nang hindi nakokolekta.

Kapag naisumite na ang reklamo, mamarkahan umano ito bilang red at mananatiling ganoon hanggang sa maresolba ang naturang problema, upang masubaybayan ang status ng bawat sumbong.

Sa ngayon, nasa development process pa lamang ang aplikasyon na ginagawa sa pakikipagtulungan sa isang malaking unibersidad sa Thailand, at inaasahang magkakaroon ng official launching sa mga susunod na panahon.

Sinabi ni Cañero na marami pang pagbabago at karagdagang hakbang ang inaasahang ipatutupad bilang bahagi ng patuloy na pagpapahusay ng serbisyo ng BGD Command Center.