Inaasahan na ang pagkakaroon ng sariling gusali ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ng Cauayan City sa mga susunod na taon.
Ayon kay Mayor Caesar Jaycee Dy Jr., naaprubahan na at naibaba na ang pondong nagkakahalaga ng ₱20 milyon para sa pagpapatayo ng naturang pasilidad. Layunin nitong higit pang mapalakas ang kakayahan ng lungsod sa pagtugon sa iba’t ibang uri ng kalamidad at emerhensiya.
Sa sandaling maisakatuparan ang proyekto, magkakaroon na ng mas maluwag at maayos na espasyo para sa mga rescuer at kawani ng CDRRMO, na makatutulong upang mas maging organisado at episyente ang kanilang operasyon.
Bukod dito, nakapaloob din sa plano ang pagkakaroon ng sapat na paradahan o motor pool para sa mga rescue vehicle, kabilang ang mga planong bilhing makabagong ambulansya at iba pang high-tech na kagamitan ng lokal na pamahalaan. Inaasahang magpapabilis ito sa pagtugon sa mga insidente tulad ng aksidente, sakuna, at iba pang emergency situation.
Sa kasalukuyan, patuloy ang paghahanda ng lokal na pamahalaan para sa implementasyon ng proyekto, kabilang ang finalization ng disenyo at iba pang kinakailangang dokumento bago ang aktuwal na konstruksyon ng gusali.











