--Ads--

Pinahintulutan na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang pagbibigay ng hanggang anim na buwang palugit sa pagbabayad ng utang nang walang kaukulang multa para sa mga Pilipinong lubhang naapektuhan ng kasalukuyang krisis sa enerhiya.

Batay sa Monetary Board Resolution No. 296 na inilabas noong Abril 8, 2026, maaari ring ipagpaliban nang hanggang isang taon ang pagbabayad ng mga agricultural loans, depende sa pagsusuri at pag-apruba ng mga bangko.

Dagdag pa rito, ang mga apektadong utang ay pansamantalang hindi ituturing na past-due o non-performing loans sa loob ng isang taon, alinsunod sa umiiral na mga patakaran sa pag-uulat.

Sa kabila ng naturang hakbang, pinaalalahanan ng BSP ang mga bangko at iba pang financial institutions na tiyaking ang tulong ay mapupunta lamang sa mga karapat-dapat na benepisyaryo.

--Ads--

Ang regulatory relief na ito ay ipinatupad matapos ideklara ni Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang state of national energy emergency noong nakaraang buwan.

Bahagi ng tugon ng pamahalaan ang pagpapatupad ng programang UPLIFT na naglalayong suportahan ang mahahalagang sektor tulad ng transportasyon, agrikultura, at mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs).

Nag-ugat ang krisis sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dulot ng umiigting na tensyon sa Gitnang Silangan.

Bagama’t nagkaroon ng rollback sa presyo ng langis noong Abril 14, nananatiling hindi sapat ito upang maibsan ang epekto ng sunod-sunod na pagtaas—13 linggo sa gasolina at 15 linggo sa diesel at kerosene.