Pinaigting ang pagbabantay sa mga estudyanteng gumagamit ng motorsiklo nang walang lisensya sa Cauayan City Standalone Senior High School.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. John Mina, punong-guro ng paaralan, sinabi nito na katuwang nila ang Highway Patrol Group (HPG), Philippine National Police (PNP), at iba pang kaugnay na ahensya sa pagsasagawa ng mga lecture at pagbibigay ng karagdagang seguridad sa mga estudyante.
Layunin ng mga aktibidad na mapalawak ang kaalaman ng mga mag-aaral tungkol sa road safety, responsableng pagmamaneho, at tamang pagsunod sa mga umiiral na batas-trapiko.
Ayon sa Punong-guro, batay sa kanilang mga naobserbahan sa mga nakaraang pagkakataon, may ilang estudyanteng gumagamit ng motorsiklo kahit walang lisensya at kulang sa kaalaman sa ligtas na pagmamaneho. Dahil dito, higit pang pinaigting ang monitoring sa mga estudyanteng pumapasok sakay ng motorsiklo upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa mga itinakdang regulasyon ng pamahalaan.
Binigyang-diin din ng punong-guro na mahalaga ang pagtutulungan ng paaralan, mga magulang, at mga awtoridad upang maiwasan ang mga aksidente at iba pang insidenteng maaaring magsapanganib sa buhay ng mga kabataan.










