--Ads--

Patuloy na sinusuri ng Cauayan City Water District ang kalidad ng tubig na ipinapamahagi sa mga konsyumer sa pamamagitan ng kanilang water laboratory upang matiyak na nasusunod ang mga pamantayan sa pagsusuri ng tubig.
‎
‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Karen Ramirez, Registered Medical Technologist at Quality Control Chief ng Cauayan City Water District, ipinaliwanag nitong kabilang sa kanilang mga pagsusuri ang bacteriological testing, na sumasaklaw sa total coliform, fecal coliform at heterotrophic plate count.
‎
‎Ang mga pagsusuring ito ay ginagamit upang masubaybayan ang kalidad ng tubig at matukoy ang posibleng presensiya ng mga mikroorganismo na maaaring magpahiwatig ng kontaminasyon.
‎
‎Bukod dito, isinasailalim din sa proficiency testing ng National Reference Laboratory o NRL ang mga sample mula sa kanilang laboratoryo upang masuri kung maaasahan at tama ang kanilang proseso ng pagsusuri.
‎
‎Ayon kay Ramirez, maaaring umabot nang hanggang limang araw ang naturang proseso.
‎

‎Samantala, tinukoy rin ni Ramirez ang mga natatanggap na reklamo hinggil sa madilaw o yellowish na tubig sa ilang lugar, kabilang ang Barangay Culalabat at iba pang mga barangay.
‎
‎Ayon sa kaniya, maaaring may iba’t ibang dahilan ang pagbabago ng kulay ng tubig, kabilang ang kondisyon ng mga tubo sa mga kabahayan.
‎
‎Ipinaliwanag ni Ramirez na dumaraan sa treatment process ang tubig sa kanilang mga tangke at pump station bago ito ipamahagi sa mga konsyumer.
‎
‎Gayunman, kapag nakarating na ang tubig sa metro ng bawat konsyumer at dumaloy sa mga pribadong tubo sa loob ng kanilang mga tahanan, posibleng makaapekto sa kalidad nito ang kondisyon ng mga naturang tubo.
‎
‎Sa kabila nito, sinabi ni Ramirez na patuloy pa rin nilang sinusuri ang mga natatanggap na reklamo upang matukoy ang pinagmumulan ng problema at makapagbigay ng kaukulang aksiyon.
‎
‎Dahil dito, hinihikayat ng water district ang mga konsyumer na agad ipagbigay-alam sa kanilang tanggapan ang anumang pagbabago sa kulay o kalidad ng tubig na kanilang natatanggap.
‎
‎Ayon pa kay Ramirez, bukas ang kanilang complaint desk upang tumanggap ng mga reklamo, mungkahi at iba pang hinaing ng publiko hinggil sa kanilang serbisyo.
‎
‎Samantala, nabanggit din sa panayam na ang water refilling facility na tinutukoy ay nasa ilalim pa lamang ng konstruksyon.
‎
‎Patuloy namang pinapaalalahanan ang publiko na makipag-ugnayan sa Cauayan City Water District kung may mapansing kakaiba sa tubig upang masuri ito ng mga kinauukulan.