--Ads--

Iginiit ng Philippine National Police na walang naganap na pag-atake sa Senado noong nakaraang linggo matapos nilang ilatag ang mga ebidensya at testimonya kaugnay ng insidente ng putukan sa loob ng Senate complex noong Mayo 13.

Sa isang press briefing sa Malacañang, ipinakita ni PNP chief Jose Melencio Nartatez Jr. ang CCTV footage ng komprontasyon sa pagitan ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms at mga ahente ng National Bureau of Investigation.

Kasama rin sa briefing sina Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, Justice Secretary Fredderick Vida at Palace Press Officer Claire Castro.

Ayon kay Remulla, malinaw umano sa lahat ng ebidensya na walang nangyaring pag-atake sa Senado.

--Ads--

Batay sa imbestigasyon ng PNP, nasa 29 na ahente ng NBI ang nasa gusali ng GSIS na katabi ng Senado noong araw ng insidente. Ayon kay Remulla, hiniling umano ng GSIS kay NBI personnel na tiyakin ang seguridad sa lugar matapos ang panawagan ni Senador Bato dela Rosa ng people power laban sa posibleng pag-aresto sa kanya kaugnay ng umano’y ICC warrant.

Sinabi rin ng DILG secretary na may koordinasyon sa pagitan ng GSIS at Senate maintenance hinggil sa isinagawang drilling o fortification ng mga pintuan sa pagitan ng dalawang gusali.

Sa imbestigasyon ng PNP, lumabas na si suspended Senate Sergeant-at-Arms retired Major General Mao Aplasca umano ang unang nagpaputok ng warning shot laban sa isang NBI agent sa GSIS premises.

Ayon pa kay Nartatez, apat na baril ang sangkot sa insidente matapos makarekober ang Scene of the Crime Operatives ng 44 fired cartridges mula sa lugar.

Samantala, sinabi naman ni NBI Director Melvin Matibag na halos tapos na ang kanilang fact-finding investigation at muling iginiit na hindi kailanman inatake ang Senado.

Aniya, walang NBI agents na pumasok sa mga opisina ng Senado at maaaring patunayan ito ng mga miyembro ng media na nasa lugar noong mangyari ang insidente.

Tumanggi namang magbigay ng komento si Senate President Alan Peter Cayetano matapos ang press briefing sa Malacañang at sinabing papanoorin muna nito ang buong presentasyon bago magbigay ng pahayag.

Samantala, humingi rin ng listahan ng mga mamamahayag na nasa Senado noong araw ng insidente ang Office of the Ombudsman bilang bahagi ng kanilang fact-finding investigation kaugnay ng nangyaring lockdown at putukan sa Senate complex.