--Ads--

Nagpahayag ng matinding pagkabahala ang Catholic Educational Association of the Philippines sa kalagayan ng mga paaralan sa bansa kasunod ng mga kamakailang insidente ng karahasan na ikinasawi at ikinasugat ng ilang mag-aaral.

Sa inilabas na pahayag, sinabi ng CEAP na ang mga paaralan na dapat sana’y ligtas na lugar para sa pagkatuto at paghubog ng kabataan ay unti-unti nang nagiging lugar ng takot at karahasan.

Ang pahayag ay inilabas matapos ang pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Lunes, kung saan tatlong mag-aaral ang nasawi at lima naman ang nasugatan matapos umanong magpaputok ng baril ang dalawang menor de edad sa loob ng paaralan.

Nauna rito, pitong mag-aaral din ang nasugatan matapos pagsasaksakin ng isang 14-anyos na Grade 8 student ang mga mag-aaral sa loob ng isang silid-aralan sa Bethel Academy sa General Trias City.

--Ads--

Ayon sa CEAP, ipinapakita ng mga insidenteng ito ang pangangailangan ng agarang reporma sa sistema ng edukasyon na hindi lamang nakatuon sa akademikong pagganap kundi maging sa paghubog ng mabuting asal, pagpapahalaga, emosyonal na kalusugan at panlipunang pananagutan ng mga mag-aaral.

Nanawagan ang samahan sa pamahalaan, Department of Education, Commission on Higher Education at iba pang sektor na magsagawa ng komprehensibong reporma upang matiyak ang kaligtasan at kabuuang pag-unlad ng mga kabataan.

Samantala, sinabi ni Vice President Sara Duterte na dapat tugunan ng pamahalaan ang mga kakulangan sa pagprotekta sa mga mag-aaral laban sa mga banta at negatibong impluwensya na maaaring makaapekto sa kanila.

Nag-alay naman ng panalangin para sa mga biktima ang John Du at hinikayat ang publiko na pagnilayan kung paano hinuhubog ng lipunan ang kabataan upang maiwasan ang mga kahalintulad na trahedya sa hinaharap.