Nagsampa na ng kasong kriminal ang mga awtoridad laban sa isang 15-anyos na estudyante na umano’y sangkot sa madugong pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Tatlong estudyante ang nasawi habang 15 iba pa ang nasugatan sa naturang insidente.
Nasa kustodiya na rin ng mga awtoridad ang isang 14-anyos na estudyante na iniuugnay sa kaso. Sa kasalukuyan, kapwa nasa pangangalaga sila ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Batay sa paunang imbestigasyon, isa sa mga tinitingnang posibleng motibo ay ang umano’y bullying. Gayunman, nilinaw ng Police Regional Office 8 (PRO 8) na masusing sinusuri pa nila ang lahat ng anggulo at ebidensiyang nakalap kaugnay ng insidente.
Ayon pa sa PRO 8, hindi nila isinasantabi ang iba pang posibleng motibo habang nagpapatuloy ang kanilang malalimang imbestigasyon.
Lumabas din sa imbestigasyon na posibleng mas maraming putok ang pinakawalan ng mas batang suspek.
Samantala, iniimbestigahan din ang isang babaeng pulis na tiyahin ng isa sa mga suspek matapos umanong magamit sa pamamaril ang kanyang service firearm. Isinailalim na siya sa restrictive custody at pansamantalang inalis sa kanyang puwesto habang isinasagawa ang administrative investigation.
Pinag-aaralan din ng mga awtoridad ang posibilidad na magsampa ng kaso laban sa mga magulang ng mga suspek.
Tiniyak naman ng PRO 8 na dalawang menor de edad lamang ang direktang sangkot sa pamamaril at wala nang iba pang estudyanteng nakilahok sa insidente.










