Kasunod ng nakagigimbal na insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong mag-aaral at ikinasugat ng 20 iba pa, sinabi ng Malacañang na bukas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa posibilidad na ibaba ang edad ng criminal liability at higpitan ang akses ng mga menor de edad sa mararahas na online games.
Muling nabuhay ang diskusyon hinggil sa pagbaba ng edad ng criminal liability, na kasalukuyang nasa 15 taong gulang, matapos ang insidente sa San Jose National High School kung saan dalawang Grade 9 na estudyante ang umano’y nagpaputok ng baril laban sa kanilang mga kapwa mag-aaral.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, ang dalawang suspek na may edad na 15 at 14 ay malaki ang impluwensiya ng mararahas na nilalaman sa internet. Isa pa sa kanila ang umano’y nag-post ng mga mararahas na video bago isinagawa ang pamamaril.
Sa isang press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na wala pang pormal na talakayan ang administrasyon tungkol sa eksaktong edad na itatakda para sa criminal liability, ngunit handang suriin ng Pangulo ang anumang panukalang batas na maipapasa ng Kongreso.
Sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, ang mga batang 15 taong gulang pababa na nakagawa ng krimen ay hindi mananagot sa ilalim ng batas kriminal. Sa halip, sila ay sumasailalim sa intervention programs sa mga pasilidad tulad ng Bahay Pag-asa.
Suportado rin ng Philippine National Police (PNP) ang panukalang pagbaba ng edad ng criminal liability dahil sa umano’y pagtaas ng bilang ng mga batang nasasangkot sa krimen.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Allen Rae Co, pinag-aaralan ng pulisya ang posibilidad na itakda ito sa 12 taong gulang.
Sinabi rin ni Co na mayroon nang mga batang nasa siyam na taong gulang na nasasangkot sa ilang krimen, bagama’t hindi pa sa mga mabibigat na kaso.
Tinawag naman ni Castro na “makatwiran” ang mungkahing edad na 12 taong gulang.
Gayunpaman, tutol ang ilang grupo sa panukalang ito. Ayon sa mga kritiko, hindi nito natutugunan ang ugat ng problema tulad ng kahirapan, kakulangan sa gabay ng pamilya, at iba pang suliraning panlipunan na nagtutulak sa ilang kabataan na masangkot sa krimen.
Patuloy ang panawagan ng iba’t ibang sektor para sa mas malalim na pag-aaral at komprehensibong solusyon upang maprotektahan ang kabataan at maiwasan ang mga katulad na trahedya sa hinaharap.











