Nagpahayag ng pagkabahala ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) sa sunod-sunod na insidente ng pamamaril na kinasasangkutan ng mga menor de edad sa iba’t ibang bahagi ng bansa kabilang ang mga kaso sa Cavite at Tacloban City, kung saan kapwa mga estudyante ang nasangkot sa pamamaril.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Benjo Basas, National Chairperson ng Teachers’ Dignity Coalition, sinabi nitong bagama’t naniniwala siyang isolated cases pa rin ang mga naturang insidente, hindi na maaaring ipagsawalang-bahala ang mga ito dahil nagpapakita ito ng mas malalim na suliraning panlipunan na nangangailangan ng pangmatagalang solusyon.
Ayon kay Basas,hindi sapat na isisi lamang ang nangyari sa paaralan, security guard, mga magulang, o maging sa mga batang sangkot, dahil maraming salik ang nag-aambag sa ganitong mga insidente. Dahil dito, mahalagang magtulungan ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang makabuo ng komprehensibong tugon sa problema.
Binigyang-diin niya na isa sa mga agarang hakbang na dapat tutukan ay ang pagpapatibay ng seguridad sa mga paaralan. Aniya, maraming pampublikong paaralan sa bansa ang walang sapat na security personnel, at sa ilang pagkakataon ay mga guro, barangay tanod, o volunteer workers pa ang tumatayong tagapangasiwa sa pagpasok at paglabas ng mga estudyante.
Bukod dito, iginiit niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mas maayos na guidance and counseling programs upang mabantayan ang kalagayang pangkaisipan ng mga mag-aaral, lalo na ang mga nakararanas ng bullying, diskriminasyon, at iba pang suliraning maaaring magdulot ng agresibong pag-uugali.
Nanawagan din siya ng mas malawak na parenting seminars upang mabigyan ng sapat na gabay ang mga magulang sa pagpapalaki at pagmomonitor sa kanilang mga anak.
Kasabay nito, binigyang-diin ni Basas ang pangangailangan ng psychosocial interventions para sa mga guro at estudyanteng naapektuhan ng mga insidente, lalo na sa Tacloban City kung saan pansamantalang sinuspinde ang klase sa buong division matapos ang nangyaring pamamaril.
Samantala, hindi rin pabor ang TDC sa panukalang ibaba ang minimum age of criminal responsibility. Ayon kay Basas, mas nararapat tingnan ang mga batang nasasangkot sa krimen bilang mga biktima ng kakulangan sa paggabay ng pamilya at lipunan kaysa agad na parusahan.











