Ibinalik ng Department of Justice (DOJ) sa Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang reklamong obstruction of justice laban kay Senador Robin Padilla kaugnay ng umano’y pagtulong nito kay Senador Ronald dela Rosa upang makatakas noong Mayo 14.
Ayon kay Justice Secretary Frederick N. Vida, hiniling ng investigating prosecutor ang pagsusumite ng karagdagang mga dokumento at sinumpaang salaysay mula sa ilang indibidwal na may kaugnayan sa kaso bago ito maisulong sa susunod na yugto ng imbestigasyon.
Sinabi rin ni Vida na nagpadala ang DOJ ng liham kay Atty. Jimmy Bondoc, abogado ni Dela Rosa, upang humingi ng paglilinaw hinggil sa ilang pahayag nito na may kaugnayan sa pagpapatupad ng warrant of arrest laban sa senador.
Si Dela Rosa ay nahaharap sa warrant of arrest mula sa International Criminal Court na na-unseal noong Mayo 11. Lumitaw siya sa Senado kasunod nito matapos ang ilang buwang hindi pagdalo sa mga pampublikong aktibidad.
Batay sa ulat, isinailalim si Dela Rosa sa protective custody ngunit kalaunan ay umano’y nakalabas nang hindi napapansin noong Mayo 14, ilang oras matapos ang insidente ng putukan sa loob ng Senate building.
Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy kung may sapat na ebidensya upang sampahan ng kaso ang mga sangkot sa umano’y pagtulong sa senador.










