May hawak nang mga impormasyon o “leads” ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa posibleng kinaroroonan ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, bagamat kasalukuyan pa itong isinasailalim sa masusing beripikasyon.
Sa press briefing sa Camp Crame ngayong Lunes, Hunyo 1, inihayag ni CIDG Director Maj. Gen. Robert Alexander Morico II na bahagi ng kanilang operasyon ang pagtunton sa senador. Si Dela Rosa ay pinaghahanap ngayon bunsod ng warrant of arrest na ipinalabas ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kontrobersyal na war on drugs ng administrasyong Duterte.
Tumanggi muna si Morico na maglahad ng iba pang detalye dahil sa seguridad ng operasyon, ngunit tiniyak niyang kasama sa kanilang target ang pagtukoy sa mga taong nagtatago o tumutulong sa senador para makaiwas sa batas. Ayon sa opisyal, lahat ng impormasyong natatanggap ng CIDG ay bineberipika at walang palalampasin sa kanilang manhunt operation.
Matatandaang huling nakita si Dela Rosa noong madaling-araw ng Mayo 14 habang paalis ng Senado kasama si Senador Robin Padilla, at mula noon ay hindi na ito muling napanood o nasilayan ng publiko.











