Nananatili sa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si Senador Rodante Marcoleta habang hinihintay pa ng Sandiganbayan Third Division ang pormal na ulat mula sa Philippine National Police (PNP) kaugnay ng kanyang kaso.
Ayon kay Dennis Pulma, wala pang aksyon na ginagawa ang hukuman dahil isinasagawa pa ang kinakailangang medical examination kay Marcoleta at wala pang naipapadalang update ang CIDG o PNP sa korte.
Sinabi rin ni Pulma na wala pa silang impormasyon kung kailan dadalhin si Marcoleta sa Sandiganbayan para sa pagbabalik ng warrant of arrest at commitment order.
Naaresto si Marcoleta matapos maglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan kaugnay ng kasong plunder na isinampa laban sa kanya at sa iba pang akusado.
May kaugnayan umano ang kaso sa hindi idineklarang P75 milyong campaign contributions noong halalan ng 2025 na sinasabing hindi naisama sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), batay sa reklamo ng Office of the Ombudsman.
Kabilang din sa mga inakusahan sina dating Mike Defensor at mga negosyanteng sina Joseph Espiritu at Aristotle Viray.
Samantala, kinansela ang nakatakdang arraignment at pre-trial nina Defensor at Espiritu sa Hulyo 10 dahil sa mga nakabinbing mosyon. Wala pa ring itinakdang bagong petsa para rito.
Si Viray naman ay naipailalim na sa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology matapos ang kanyang pagkakaaresto noong Lunes. Bagama’t hindi siya naghain ng mosyon upang ipawalang-bisa ang kaso, naghain naman siya ng mosyon para sa piyansa.
Sa ngayon, wala pa ring nakatakdang petsa para sa arraignment at pre-trial ni Viray habang nagpapatuloy ang mga kaugnay na proseso sa hukuman.











