Inirekomenda ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Anti-Hazing Act laban sa nagbitiw na Ateneo head coach na si Tab Baldwin at 10 iba pa kaugnay ng team-building activity sa Aurora na ikinasawi ng mga student-athlete na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, maaaring maituring na hazing ang isinagawang aktibidad dahil nagdulot ito ng pisikal na pagdurusa at panganib sa mga kalahok.
Batay sa imbestigasyon ng CIDG, isinailalim ang mga manlalaro sa matinding pisikal na aktibidad, kabilang ang apat na kilometrong pagtakbo bago magbukang-liwayway at iba pang mabibigat na pagsasanay.
Lumabas din sa imbestigasyon na limang manlalaro ang nagsabing hindi sila marunong lumangoy bago isinagawa ang aktibidad sa dagat sa Dipaculao, Aurora.
Naniniwala si Remulla na naiwasan sana ang trahedya dahil mayroon nang naitalang kahalintulad na insidente sa parehong lugar noong 2016.
Samantala, sinabi ng Ateneo de Manila University na kinikilala nito ang rekomendasyon ng CIDG at patuloy na makikipagtulungan sa mga awtoridad habang nagpapatuloy ang iba pang imbestigasyon sa insidente.








