--Ads--

Nakahanda na ang Coast Guard District Northeastern Luzon sa posibleng epekto ng bagyong Bising.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Coast Guard Ensign Ryan Joe Arellano, Public Information Officer ng Coast Guard District Northeastern Luzon, sinabi niya na nasuri at naihanda na nila mga kagamitang pandagat at panlupa na kadalasang ginagamit tuwing may kalamidad lalo na sa rescue operation.

Muli ring nagsagawa ng training ang kanilang hanay pagdating sa pagsasagawa ng rescue operation upang mas lalong mahasa ang kanilang kakayahan pagdating sa anumang uri ng pag-rescue.

Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng mga Coast Guard Stations sa mga Municipal at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Offices maging sa mga Local Government Units na maaaring maaapektuhan ng naturang bagyo.

--Ads--

Tinututukan naman ngayon ng Coast Guard District Northeastern Luzon ang mga lugar na palaging nababaha at maraming naninirahan gaya na lamang sa Lungsod ng Tuguegarao, ilang bahagi ng Isabela, Calayan at Batanes Island.

Maliban sa pagsasagawa ng information dissemination sa kanilang nasasakupan ay nagsasagawa rin sila ng coastal patrols upang paalalahanan ang publiko pangunahin na ang mga mangingisda tuwing masama ang lagay ng panahon.