Inamin ng American tennis star na si Coco Gauff na nakaramdam siya ng pagod dahil sa sunod-sunod na racist abuse na natanggap online matapos ang kanyang laban sa China Open sa Beijing.
Nasa world number four si Gauff nang matalo kay Elise Mertens ng Belgium, 6-3, 6-3, sa quarterfinal round. Hindi umano naging maganda ang kanyang laro matapos makagawa ng walong double fault.
Ayon kay Gauff, naging “draining” para sa kanya ang mga komento at mensaheng natanggap niya online, ngunit pinili na lamang niyang patayin ang kanyang telepono at magpatuloy.
Nakatanggap si Gauff ng racist comments matapos niyang hamunin ang isang ruling sa kanyang laban kontra Chinese teenager na si Sun Xinran dahil sa kumikislap na ilaw sa advertising boards sa court.
Kinondena naman ng Women’s Tennis Association ang racist abuse laban kay Gauff at sinabing nakikipag-ugnayan ito sa tennis star upang ibigay ang buong suporta nito at kumikilos laban sa mga mapang-abusong content.











