--Ads--

Nilinaw ng Commission on Elections Region 2 na wala nang palugit o extension sa voter registration para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na gaganapin sa Nobyembre 2, 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Jerbee Cortez, Assistant Regional Director ng COMELEC Region 2,  sinabi nito na hanggang Mayo 18 na lamang ang registration at tuloy-tuloy pa rin ang pagtanggap nila ng mga aplikante mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon sa huling araw ng registration.

Ayon kay Atty. Cortez, may ilang lugar sa Region 2 na kakaunti na lamang ang nagpaparehistro habang sa iba naman ay halos wala na, na indikasyon umanong karamihan sa mga kwalipikadong botante ay nakapagparehistro na.

Gayunman, tiniyak niyang handa ang COMELEC kung sakaling dumagsa ang mga magpaparehistro sa huling araw.

--Ads--

Aniya, kukuha sila ng listahan ng mga aplikanteng nasa pila at tatawagin isa-isa ang kanilang pangalan upang matiyak na marehistro ang mga naroroon pa sa loob ng tanggapan bago matapos ang araw.

Sinabi rin niya na posibleng magkaroon ng cut-off bandang alas-3 ng hapon kapag masyadong marami ang magpaparehistro upang maayos na maproseso ang lahat ng aplikasyon.

Ipinaliwanag din ni Atty. Cortez ang qualification para sa SK voters kung saan maaaring magparehistro ang isang 14-anyos basta sasapit ito sa edad na 15 taong gulang bago ang botohan.

Ngunit hindi na maaaring magparehistro bilang SK voter kung Nobyembre 3, 2026 pataas pa lamang sasapit ang ika-15 kaarawan ng aplikante.

Samantala, para naman sa regular voters o mga boboto para sa barangay elections, kinakailangang 18-anyos na ang isang indibidwal bago rin sumapit ang November 2, 2026 upang maging kwalipikadong botante.

Nilinaw rin niya na hindi na maaaring bumoto sa SK ang mga edad 31-anyos pataas.

Kabilang naman sa mga pangunahing requirements sa pagpaparehistro ang PSA birth certificate, valid ID o NBI clearance.

Samantala, nilinaw rin ni Atty. Cortez ang usapin tungkol sa tinatawag na “flying voters.”

Ayon sa kanya, hindi awtomatikong maituturing na flying voter ang isang tao na nagparehistro o nagpalipat ng voter registration sa ibang lugar.

Ipinaliwanag niya na pinapayagan ng batas ang paglilipat ng voter registration basta tunay na lumipat ng tirahan ang botante at natutugunan nito ang residency requirement sa lugar kung saan siya magpaparehistro.

Nagiging “flying voter” lamang umano ang isang tao kapag nagparehistro o nagpalipat ng rehistro sa isang lugar kahit hindi naman talaga siya residente roon at layunin lamang na makaapekto sa magiging resulta ng eleksyon.

Dagdag pa niya, mahigpit na sinusuri ng COMELEC ang mga aplikasyon para sa transfer at bagong registration upang maiwasan ang iligal na pagpaparehistro bago ang BSKE 2026.

Sa huli, hinikayat ni Atty. Cortez ang publiko na samantalahin na ang nalalabing araw ng registration upang makalahok sa darating na halalan.