--Ads--

Binasura ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga panawagang bumaba siya sa puwesto kaugnay ng mga alegasyon ng katiwalian sa pamahalaan.

Ayon sa Pangulo, walang katuturan ang mga panawagang ito dahil siya mismo ang naglantad ng umano’y talamak na katiwalian sa kanyang nakalipas na State of the Nation Address (SONA).

Iginiit niya na kung hindi niya inilantad ang naturang isyu ay wala sanang usapin ngayon hinggil sa korapsiyon sa gobyerno.

Sinabi rin ng Pangulo na walang naging makabuluhang hakbang ang mga nakaraang administrasyon laban sa katiwalian dahil wala umanong nakulong, na-freeze na bank accounts, o naisagawang malawakang imbestigasyon sa mga sangkot.

--Ads--

Binanggit din niya ang mga naunang ulat ukol sa umano’y anomalya sa mga flood control projects na ibinunyag noon ni dating kongresista Rolando Andaya, na aniya’y hindi rin umano nabigyan ng kaukulang aksyon.

Pinasinungalingan din ni Marcos ang mga alegasyong siya ang nasa likod ng mga anomalya at sinabing walang lohika na sisirain niya ang isang sistemang siya mismo umano ang makikinabang kung totoo ang mga paratang laban sa kanya.

Ayon pa sa Pangulo, nagpapatuloy ang paglilinis ng pamahalaan laban sa katiwalian at patuloy na lumalawak ang mga imbestigasyon habang nadaragdagan ang mga natutuklasang sangkot sa korapsiyon sa pondo ng bayan.