--Ads--


Mariing iginiit ng Police Regional Office 2 na hindi nito palalampasin o kukunsintihin ang sinumang miyembro ng kapulisan na mapatutunayang lumabag sa batas, nagsamantala sa kapangyarihan, o nasangkot sa anumang uri ng katiwalian at pang-aabuso.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PBGEN. Mariano Rodriguez, Acting Regional Director ng PRO2, nananatiling matatag ang kanilang kampanya para sa pananagutan, integridad, at disiplina sa loob ng hanay ng Philippine National Police kasabay ng mahigpit na pagpapatupad ng umiiral na batas at internal cleansing program ng organisasyon.

‎Ipinaliwanag ni PBGEN. Rodriguez na bawat reklamong inihahain laban sa isang pulis ay dumaraan sa masusing beripikasyon at walang kinikilingang imbestigasyon upang matiyak na naipagkakaloob ang nararapat na hustisya at hindi naaagrabyado ang alinmang panig.

‎Binigyang-diin din ng opisyal na anumang mapatutunayang paglabag ay may katapat na mabigat na pananagutang administratibo o kriminal alinsunod sa umiiral na batas at mga regulasyon ng pambansang pulisya.

--Ads--

‎Kasabay nito, nilinaw ng opisyal na hindi rin dapat manaig ang mapanghusgang pananaw laban sa mga inirereklamong pulis hangga’t hindi pa ganap na napatutunayan ang alegasyon laban sa kanila, dahil mahalagang pairalin ang procedural at substantive due process sa bawat usapin.

‎‎Dagdag pa niya, nananatiling pangunahing layunin ng PRO2 na mapanatili ang kredibilidad, propesyonalismo, at moral na integridad ng institusyon upang higit na mapagtibay ang tiwala at kumpiyansa ng publiko sa hanay ng kapulisan.