Nakipagkoordinasyon na ang Comelec Cauayan City sa Comelec Office ng Narvacan, Ilocos Sur matapos na magkapalit ng naipadalang Automated Counting Machines o ACMs.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Election Officer Nikka Daquioag ng Comelec Cauayan City sinabi niya na nagkapalit ang naideliver na ACMs ng clustered precinct no. 54 sa Brgy. Dabburab pangunahin sa Dabburab-Baringin Elementary School kung saan ito sana ay para sa Pantoc Elementary School sa Brgy. Pantoc Narvacan Ilocos Sur.
Agad naman aniyang nakipag-ugnayan si City Election Officer Atty. Johanna Vallejo sa counterpart nito sa nasabing lugar para sa palitan ng ACMs.
Inischedule ngayong araw na magsalubong na lamang sa daan ang dalawang sasakyan ng dalawang comelec officeS para magpalit ng ACMs.
Sasamahan naman ng mga kasapi ng Philippine National Police ang sasakyang gagamitin sa palitan ng ACMs.
Samantala bahagya namang nahirapan sa pag-operate ang mga Electoral Board sa mga Automated Counting Machines (ACM) sa isinagawang Final Testing and Sealing.
Ayon kay Ginoong Arthur Anog, Electoral Board Poll Clerk, bahagya silang nahirapan sa pag operate ng makina dahil ito ang unang pagkakataon na gagamitin ito sa bansa.
Na-challenge lamang aniya sila sa pag set-up subalit nang mapaandar na ito ay naging maganda at mabilis naman ang kinalalabasan at wala namang problema sa mismong makina.
Samantala naging maayos at mapayapa naman ang pagdedeliver ng mga election paraphernalia sa mga polling precincts sa lungsod.
Sa kabila ng ilang naitalang aberya ay naging maayos at mapayapa naman ang pagdedeliver at Final Testing and Sealing ng mga election paraphernalia sa mga polling precincts sa lungsod.