--Ads--

Arestado ang isang lalaki na kabilang sa Top 6 Regional Most Wanted Persons sa Region 2 matapos masakote sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa Cabatuan, Isabela.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Mar,” 20-anyos, binata, construction worker, at residente ng Barangay Sinalugan, San Guillermo, Isabela.

Isinagawa ang pag-aresto dakong alas-8:30 ng umaga noong Hulyo 4 sa Barangay Tandul, Cabatuan sa bisa ng warrant of arrest kaugnay ng apat na bilang ng kasong rape. Ayon sa mga awtoridad, walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng akusado.

Pinangunahan ang operasyon ng mga tauhan ng Cabatuan Police Station katuwang ang Regional Intelligence Division 2, Regional Intelligence Unit 2 PIT-Isabela West, at Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office.

--Ads--

Matapos ang pag-aresto, ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan alinsunod sa Miranda Doctrine bago ito dinala sa kustodiya ng Cabatuan Police Station habang hinihintay ang pagharap nito sa korte.

Ayon sa Isabela Police Provincial Office, bahagi ang operasyon ng pinaigting na kampanya laban sa mga pinaghahanap ng batas sa rehiyon. Nanawagan din ang pulisya sa publiko na patuloy na makipagtulungan at magbigay ng impormasyon upang higit pang mapalakas ang kampanya kontra kriminalidad at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.