Pinadapa nina Honey Grace Cordero at Kat Epa ng Alas Pilipinas sina Charlotte Graham at Emma Hannagan ng Australia, sa paghataw ng Volleyball World Beach Pro Tour Futures Nuvali kahapon sa City of Santa Rosa, Laguna.
Kaagad kinontrol ng dalawang UAAP champions ng National University ang laro para dispatsahin ang Aussie pair sa loob ng 29 minuto.
Pumalo ang 5-foot-5 na si Cordero ng dalawang sunod na aces para sa 20-11 abante ng Pilipinas sa first set patungo sa kanilang panalo na sinundan ng pagbibida ng 5’8 na si Epa sa second frame.
Sunod na sasagupain nina Cordero at Epa sina Keiko Urata at Minami Asano ng Japan sa nasabing 19-nation meet.
Nakatakda ring lumaban sina Sisi Rondina at Bernadeth Pons, Sunnie Villapando at Jen Gaviola, University of Santo Tomas pair Khylem Progella at Sofia Pagara at ang tandem nina Alexa Polidario at Dij Rodriguez.
Sisimulan ngayon ang main draw ng torneong inorganisa ng Philippine National Volleyball Federation sa pamumuno ni president Ramon “Tats” Suzara na siya ring pangulo ng Asian Volleyball Confederation at Executive Vice President ng FIVB.
Kakampanya para sa Alas Pilipinas sa men’s division sina Volleyball World Beach Pro Tour Futures silver medalists Rancel Varga at James Buytrago kasama sina Jude Garcia at Jaron Requinton, Lerry John Francisco at Edwin Tolentino at Ronniel Rosales at Alex Iraya.