Tiniyak ng Schools Division Office (SDO) Cauayan na tuloy-tuloy pa rin ang mga aktibidad ng mga mag-aaral ng Cauayan City National High School at Cauayan City Stand Alone Senior High School, sa kabila ng pansamantalang suspensiyon ng face-to-face classes bunsod ng isinasagawang Criminology Examination.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gema Bala, Education Program Supervisor ng SDO Cauayan, sinabi niyang tatagal hanggang Biyernes, Pebrero 6 ang naturang pagsusulit kung kaya’t pansamantalang hindi muna pinapapasok ang mga estudyante sa paaralan.
Aniya, ipinatutupad ang modular learning bilang alternatibong paraan ng pagkatuto ng mga mag-aaral kung saan mahigpit silang minomonitor upang matiyak na tuloy-tuloy ang kanilang pag-aaral at hindi sila mapag-iwanan.
Inatasan din ang mga guro at mag-aaral na bantayan at isumite ang mga output ng mga estudyante upang masiguro na may natututunan pa rin ang mga ito habang nasa kanilang mga tahanan.











