--Ads--

Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Cauayan na may nakalaan nang pondo para sa mga atletang Cauayeño na nagkwalipika para sa Palarong Pambansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Garry Galutera, Consultant on Education and Tourism ng Cauayan City, sinabi nitong may inilaang budget ang pamahalaang lungsod bilang suporta sa mga atletang magpapakita ng kanilang husay sa nasabing pambansang kompetisyon.

Ayon kay Galutera, layunin ng lokal na pamahalaan na maipadama sa mga atleta ang buong suporta ng lungsod lalo na sa kanilang paglahok sa Palarong Pambansa na gaganapin sa Ilocos Norte.

Dagdag pa nito, ang mga atletang ito ay kabilang sa mga nagwagi at nagpakitang-gilas sa katatapos lamang na Cagayan Valley Regional Athletic Association o CAVRAA, kung saan nakuha nila ang pagkakataong kumatawan sa rehiyon sa mas mataas na antas ng kompetisyon.

--Ads--

Binigyang-diin pa ni Galutera na sa pamamagitan ng naturang tulong pinansyal, makakabahagi ang lokal na pamahalaan sa tagumpay at paghahanda ng mga atleta, at mas lalo pa silang mahihikayat na pagbutihin ang kanilang laban para sa karangalan ng Cauayan City.

Kaugnay nito, hinihikayat din ng pamahalaang lungsod ang patuloy na suporta ng publiko sa mga atletang Cauayenyo na magsisilbing kinatawan ng lungsod sa Palarong Pambansa.