--Ads--

Nakatakdang maging sentro ng aktibidad ang Santiago City bilang panimulang punto ng Stage 5 ng Tour of Luzon 2026 ng Metro Pacific Tollways Corporation o MPTC sa ikatlo ng Mayo sa lalawigan ng Isabela.

Ayon kay Isabela Provincial Tourism Officer Joanne Maranan, sa Santiago City sisimulan ng mga kalahok ang karera bago baybayin ang mga pangunahing kalsada sa kanlurang bahagi ng lalawigan patungo sa Tuguegarao City kung saan matatagpuan ang finish line.

Daraanan ng mga siklista ang mga bayan ng Ramon, San Mateo, Cabatuan, Aurora, San Manuel, Roxas, Quezon, at Santa Maria bago tuluyang makarating sa Cagayan.

Aabot sa 13 koponan ang lalahok sa kompetisyon na tatahakin ang rutang mula Santiago City hanggang Tuguegarao na may layong humigit-kumulang 135 kilometro, at tinatayang aabutin ng halos apat na oras ang biyahe kung ito ay isasagawa gamit ang sasakyan.

--Ads--

Nagpaalala naman ang mga awtoridad sa mga motorista at residente na asahan ang pansamantalang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan na dadaanan ng mga kalahok.

Pinapayuhan ang publiko na maglaan ng sapat na oras sa kanilang biyahe at gumamit ng alternatibong ruta upang maiwasan ang abala.