Humiling na ang National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) sa Department of Agriculture (DA) na magsagawa ng cloud seeding operations sa mga susunod na araw upang matugunan ang patuloy na pagbaba ng tubig sa Magat Dam reservoir.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Edwin Reyes, Head ng Flood Forecasting and Instrumentation ng NIA-MARIIS, bumaba na sa 172.13 meters above sea level ang water level ng dam at patuloy pa itong bumababa dahil sa tuloy-tuloy na water release para sa patubig sa mga sakahan.
Aniya, bumababa ng humigit-kumulang kalahating metro kada araw ang lebel ng tubig, kaya kung magpapatuloy ang trend ay posibleng maabot ang critical level na 160 meters above sea level (MASL) pagsapit ng July 15.
Dahil dito, itinuturing ng pamunuan na mahalagang maisagawa ang cloud seeding upang madagdagan ang suplay ng tubig at masiguro ang sapat na irigasyon sa mga apektadong agricultural areas.
Bago ito, magpapatupad muna ang NIA-MARIIS ng 10–15% na pagbabawas sa irrigation requirement na inaasahang magiging epektibo sa susunod na linggo bilang bahagi ng water management measures.
Bagama’t may mga pag-ulan sa ilang bahagi ng Magat watershed, hindi pa rin aniya ito sapat upang mapanatili ang antas ng tubig sa dam, kaya’t patuloy ang monitoring ng ahensya sa kondisyon nito at sa demand sa patubig habang hinihintay ang angkop na panahon para sa cloud seeding operations.










