Inaresto ng pulisya ang dalawang babaeng nasa edad 20 sa lungsod ng Arua sa Uganda matapos umanong makitang naghahalikan sa publiko, sa ilalim ng mahigpit na Anti-Homosexuality Act ng bansa, ayon sa mga awtoridad.
Ayon sa tagapagsalita ng lokal na pulisya na si Josephine Angucia, nakatanggap sila ng reklamo mula sa mga kapitbahay na umano’y nakitang naghahalikan ang dalawa at kinuhanan pa ito ng larawan bilang ebidensya.
Nakadetine ang dalawang babae mula pa noong Pebrero 18 at wala pa umanong legal na representasyon. Isinumite na sa state prosecutor ang kaso para sa posibleng pagsasampa ng pormal na kaso sa korte.
Sa ilalim ng Anti-Homosexuality Act ng 2023 na nilagdaan ni Pangulong Yoweri Museveni, maaaring patawan ng habambuhay na pagkakakulong ang mga mapapatunayang may consensual same-sex relations, habang ang tinatawag na “aggravated homosexuality” ay may kaparusahang kamatayan.
Kinondena naman ng human rights advocate na si Frank Mugisha ang pag-aresto, at sinabing ipinapakita nito ang mabigat na kalagayan ng LGBTQ+ community sa bansa. Ayon sa kanya, nagiging daan din umano ang batas sa blackmail at pang-aabuso laban sa komunidad.
Ang Uganda ay isang konserbatibo at nakararaming Kristiyanong bansa sa East Africa, at ang naturang batas ay umani ng batikos mula sa United Nations at iba’t ibang kanluraning bansa. Pansamantala ring sinuspinde ng World Bank ang pondo nito sa Uganda matapos maipasa ang batas, bago ito muling ibalik noong kalagitnaan ng 2025.






