--Ads--

Nagpamalas ng determinasyon ang mga batang manlalangoy na nagsimula lamang ng pagsasanay sa ilog matapos makasungkit ng mga medalya sa CAVRAA 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, ibinahagi ni Coach Josie Santillan na ilan sa kanyang mga atleta ay unang nahasa ang kakayahan sa ilog bago tuluyang lumipat sa mas pormal na pagsasanay sa swimming pool.

Ayon sa kanya, naging hamon ang maikling panahon ng preparasyon ngayong school year, lalo na’t limitado ang kanilang training. Gayunman, nakatulong ang kanilang karanasan sa nakaraang CAVRAA at ang natatanging training environment na kanilang pinagdaanan.

Ipinaliwanag pa ni Santillan na malaki ang pagkakaiba ng ilog at swimming pool—sa ilog ay may agos na kailangang sabayan, habang sa pool ay mas kontrolado ang galaw.

--Ads--

Sa kabila nito, pinuri niya ang disiplina ng kanyang mga atleta na nananatiling matatag sa tulong ng kanilang mga team leader.

Isa sa mga umangat sa kompetisyon si John Rel Quitola, na nagkamit ng silver medal sa 50 at 100-meter breaststroke, pati na sa 100-meter freestyle relay.

Hindi rin nagpahuli ang kanyang koponan matapos masungkit ang gintong medalya sa 4×50-meter freestyle relay kasama sina Alden Jacob Agtarap, David Thomas Claravall, at Christian Santos.

Ayon kay Quitola, hindi naging madali ang kanilang training ngunit naging susi ang pagsunod sa kanilang mga coach. Aniya, sa ilog lamang siya unang natutong lumangoy sa tulong ng kanyang tiyuhin, na naging simpleng simula na naging pundasyon ng kanyang tagumpay.

Samantala, ibinahagi naman ni Alden Jacob Agtarap na bagama’t mahirap ang pagsasanay, natutunan niyang mahalin ang swimming. Inspirasyon niya ang mga kilalang manlalangoy na nagtulak sa kanya upang mas pagbutihin pa ang kanyang kakayahan.

Sa kabila ng limitadong preparasyon, pinatunayan ng mga batang atleta na sa sipag, disiplina, at inspirasyon, kayang maabot ang tagumpay mula sa ilog hanggang sa entablado ng palakasan.