Nasawi ang isang motorcycle rider matapos mag-overshoot at mahulog sa bangin sa Sitio Awan Igid, Barangay Viewpoint, Banaue, Ifugao noong Abril 13, habang sugatan naman ang backrider nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSSG Randal T. Lasangen, miyembro ng SAR Team ng Philippine National Police RMFB15 1501st Maneuver Company, sinabi nito na agad silang rumesponde matapos matanggap ang ulat hinggil sa insidente.
Ayon kay PSSG Lasangen, pagdating nila sa lugar ay nakita nila ang isang lalaking nakahandusay sa may batuhan sa ibaba ng bangin na tinatayang may lalim na 10 metro.
Agad na nagsagawa ng rescue operation ang kanilang team gamit ang tali at stretcher upang maiahon ang biktima. Gayunman, wala na itong malay nang matagpuan at agad na isinugod sa ospital kasama ang driver ng motorsiklo na sugatan.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Banaue Municipal Police Station, 23-anyos ang nasawing biktima at residente ng Lagawe, Ifugao.
Lumalabas din sa imbestigasyon na papunta sana sa Mt. Polis ang mga biktima nang mangyari ang insidente.
Pinaniniwalaang naka-inom ang mga ito at posibleng hindi natansya ang kurbadang bahagi ng kalsada dahilan upang mag-overshoot at mabangga ang gilid ng kalsada bago tuluyang mahulog sa bangin.
Dagdag pa ng opisyal, walang suot na helmet ang mga biktima at puro bato ang ilalim ng bangin kaya lalong naging malubha ang pinsala.
Aminado rin ang pulisya na hindi na ito ang unang insidente sa naturang lugar dahil ilang beses na ring nagkaroon ng aksidente sa kahabaan ng Banaue Road.
Samantala, muling nagpaalala ang kapulisan sa publiko na maging maingat sa pagmamaneho, iwasan ang pagmamaneho kapag nakainom, at tiyaking magsuot ng helmet upang maiwasan ang kapahamakan.











