--Ads--

Itinanggi ni dating Health Undersecretary for Health Regulation Kenneth Hartigan-Go nitong Martes na kanyang ipinromote ang paggamit ng anti-dengue na Dengvaxia vaccine, kahit pa dati siyang nagtrabaho sa isang organisasyong konektado sa distributor ng naturang bakuna.

Ang pahayag ay ginawa ni Hartigan-Go sa Sandiganbayan habang tumatayong saksi sa kasong graft at ilegal na paggamit ng pondo ng gobyerno laban sa kanya, dating Health Secretary at House Deputy Speaker Janette Garin, at tatlong iba pa kaugnay ng umano’y iligal na pagbili ng P3.5 bilyong halaga ng Dengvaxia noong 2015.

“We never promoted any product, advertised or sold through the foundation,” ani Hartigan-Go, na nagsilbing Executive Director ng Zuellig Family Foundation mula 2001 hanggang 2009.

Gayunman, inamin ni Hartigan-Go na nilagdaan niya ang rekomendasyon ng Formular Executive Council (FEC) noong 2015 na nagmumungkahi ng exemption para sa Dengvaxia mula sa Philippine National Drug Formulary list. Ang exemption na ito sana ang magbibigay daan sa gobyerno na legal na makabili ng bakuna, ngunit hindi ito naaprubahan.

--Ads--

Ayon sa mga tagausig, nakasaad sa rekomendasyon ng FEC na binanggit ni Hartigan-Go ang isang pag-aaral sa Pilipinas na pinondohan ng Sanofi, ang gumagawa ng Dengvaxia. Sagot ni Hartigan-Go, hindi niya alam na ang naturang pag-aaral ay Sanofi-funded.

Batay sa charge sheet noong Oktubre 24, 2023, sinasabing “willfully, unlawfully and feloniously” na inilabas ng mga akusado ang P3.5 bilyong pondo upang palakihin ang budget ng Expanded Program for Immunization, ngunit ginamit umano ito sa pagbili ng Dengvaxia na hindi kasama sa programa.

Dagdag pa ng Ombudsman, ang Dengvaxia ay hindi nakalista sa Volume 1 ng Philippine National Drug Formulary at hindi rin nakakuha ng exemption, na paglabag umano sa Executive Order No. 49 at iba pang kaugnay na administrative orders.