Idineklara ng Senate impeachment court bilang hostile witness si Gina Acosta, dating special disbursing officer ng Office of the Vice President (OVP), sa nagpapatuloy na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ginawa ni Senate impeachment court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ang desisyon matapos lumabas na maaaring maapektuhan ang trabaho ni Acosta sakaling mapatalsik sa puwesto si Duterte, dahil co-terminus ang kanyang employment sa termino ng Bise Presidente.
Isinaalang-alang din ng impeachment court ang naunang counter-affidavit ni Acosta sa Office of the Ombudsman kung saan sinabi niyang walang maling paggamit ng confidential funds si Duterte, bagay na taliwas sa posisyon ng prosekusyon.
Dahil sa deklarasyong ito, pinahintulutan ang mga prosecutor na magtanong ng mga leading questions kay Acosta sa kanyang direktang testimonya, bagama’t nananatiling ipinagbabawal ang paggamit ng misleading questions.
Si Acosta ay testigo sa Article 1 ng impeachment complaint na tumatalakay sa umano’y sistematikong maling paggamit at iregular na liquidation ng P500 milyong confidential funds ng OVP at P112.5 milyong confidential funds ng Department of Education noong si Duterte pa ang kalihim nito.
Sa pagdinig ng Kamara noong 2025, sinabi ni Acosta na si Duterte umano ang nagbigay ng pahintulot upang maipasa ang P125 milyong confidential funds ng OVP kay Col. Raymund Lachica ng Vice Presidential Security and Protection Group noong 2022.
Ayon kay Acosta, hindi niya sana ibibigay ang naturang halaga kung wala ang pag-apruba ni Duterte.










