Ipinagbawal nang pumasok sa mainland China, Hong Kong, at Macau si Philippine Defense Secretary Gilberto ”Gibo” Teodoro Jr., kanyang asawa at anak.
Bawal din ang kahit anong transaksyon o pakikipag-ugnayan ng mga kumpanya sa China sa kanila.
Ginawa ang hakbang dahil sa umano’y “maling pahayag” ng kalihim laban sa kanila, na ayon sa Beijing ay nakakasira sa relasyon ng dalawang bansa at sa kanilang interes.
Hindi naman tinukoy ng China kung alin mismong pahayag ang kanilang tinutukoy.
Sa ngayon wala pang inilalabas na pahayag ang Defense chief tungkol sa ibinigay na sanction ng China. Pero una nang sinabi ni Teodoro na wala siyang planong pumunta sa China.
“Even if I wanted to visit because the food is good and the people are kind, that is overshadowed by the kind of government they have,” ani Teodoro.
Matatandaang patuloy ang tensyon ng Pilipinas at China sa pinag-aagawang karagatan, kung saan inaangkin ng China ang buong teritoryo sa rehiyon. Kamakailan, nagkaroon din ng panibagong reklamo ang Pilipinas laban sa China dahil sa presensya umano ng isang barko sa pinag-aagawang lugar.











