Mas pinaigting pa ng ilang paaralan sa Santiago City ang kanilang security measures sa pamamagitan ng paggamit ng handheld metal detectors upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa loob ng campus.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Princiapl Emerchita Ribuca, punong-guro ng Santiago City National High School (SCNHS), sinabi niyang limang handheld metal detector ang kasalukuyang ginagamit sa paaralan at nakatalaga sa mga pangunahing pasukan bilang bahagi ng kanilang security measures.
Ayon kay Ribuca, layunin ng hakbang na mapigilan ang pagpasok ng mga ipinagbabawal at posibleng mapanganib na kagamitan sa loob ng paaralan, kasabay ng pagpapatupad ng iba pang umiiral na patakaran sa kaligtasan.
Ipinaliwanag niya na dumaraan sa metal detector ang mga mag-aaral tuwing pagpasok sa umaga at tanghali. Kapag may natukoy na metal na bagay, hindi direktang hahawakan ng mga personnel ang estudyante alinsunod sa Child Protection Policy. Sa halip, hihilingin sa mag-aaral na buksan ang kaniyang bag o ipakita ang gamit na nagdulot ng signal upang matukoy ang pinagmulan nito.
Batay sa unang araw ng implementasyon, karamihan sa mga natukoy ng metal detector ay mga karaniwang gamit lamang tulad ng gunting para sa school activities, kubyertos ng mga nagbabaon, at iba pang personal na kagamitan.
Bago ipinatupad ang programa, sumailalim muna sa oryentasyon ang mga security guard, guidance counselors, DRRM coordinator, at mga prefect of discipline upang matiyak ang maayos at wastong pagsasagawa ng security screening.
Bukod dito, patuloy ring nakikipag-ugnayan ang paaralan sa mga barangay, mga magulang, at kapulisan bilang bahagi ng mas malawak na programa para sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa loob at paligid ng paaralan.







