Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Department of Foreign Affairs o DFA sa Philippine Embassy sa New Delhi at Philippine Consulate General sa Kathmandu upang alamin ang kalagayan ng isang Pilipinong napaulat na nawawala matapos ang malawakang flash flood sa Nepal.
Batay sa ulat ng Nepal Tourism Board, isang Pilipino ang kabilang sa mga nawawala matapos ang pagbaha at landslide na tumama sa Nepal noong Agosto 26.
Nakikipag-ugnayan na rin ang DFA sa mga awtoridad ng Nepal para kumpirmahin ang pagkakakilanlan at kalagayan ng naturang Pinoy, gayundin upang matukoy kung may iba pang Pilipinong naapektuhan at nangangailangan ng tulong.
Ayon naman sa Philippine Consulate, karamihan sa mga Pilipino sa Nepal ay ligtas habang nagpapatuloy ang rescue at verification operations.
Batay sa datos ng OWWA at DFA, nasa 18 OFWs ang naitalang nagtatrabaho sa Nepal. Gayunman, ayon sa DFA, nasa 128 Pilipino ang kabuuang naitala nitong nasa naturang bansa, kabilang ang ilan na nagpakasal sa mga Nepalese.











