--Ads--

Alam umano ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kung nasaan si Vice President Sara Duterte noong Biyernes ng gabi, ngunit hindi nito ipinatupad ang warrant of arrest laban sa bise presidente kaugnay ng tatlong counts ng grave threats.

Ayon kay Interior Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla, alam ng mga awtoridad ang kinaroroonan ni Duterte ngunit hindi nila pinilit na ipatupad ang warrant.

Aniya, mayroon ding body camera footage ang Philippine National Police (PNP) kaugnay ng pagsisilbi ng warrant at pagdating ni Duterte sa Quezon City Hall of Justice para magpiyansa.

Samantala, nagbayad si Duterte ng P360,000 na piyansa para sa tatlong counts ng grave threats na isinampa laban sa kanya kaugnay ng umano’y pagbabanta kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.

--Ads--

Nauna nang nagpahayag si Duterte ng pangamba sa kanyang seguridad at sinabing nakatanggap umano siya ng mga banta sa kanyang buhay mula pa noong 2023.

Gayunman, sinabi ni Philippine National Police Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na wala pang naiuulat si Duterte sa PNP na anumang banta sa kanyang buhay o sa kaligtasan ng kanyang pamilya.

Wala rin umanong namonitor ang PNP na beripikadong banta laban sa bise presidente o sa kanyang pamilya.

Ayon kay Nartatez, nananatiling bukas ang PNP na tumanggap ng anumang dokumento, ulat o pahayag kaugnay ng mga iniulat na banta.