--Ads--

Nagbabala ang Department of Energy (DOE) nitong Miyerkules, Abril 8, na hindi dapat asahan ang agarang pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo kahit pa magkaroon ng tigil-putukan sa Gitnang Silangan.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, bagaman pinahihintulutan na ng Iran ang ligtas na pagdaan ng mga barkong may bandila ng Pilipinas sa Strait of Hormuz, mananatiling mataas ang presyo ng krudo. Ito ay dahil sa matinding pinsalang tinamo ng mga imprastraktura ng langis at ang patuloy na pagtaas ng gastos sa pagdedeliber ng suplay.

Ipinaliwanag ni Garin na ang mabilis na pagsirit ng presyo ay direktang epekto ng serye ng pambobomba sa mga oil field at pasilidad sa Middle East. Binigyang-diin ng kalihim na halos 99 porsiyento ng suplay ng langis sa Pilipinas ay nagmumula sa mga rehiyong kasalukuyang apektado ng sigalot, na bumubuo rin sa 20 porsiyento ng kabuuang suplay sa buong mundo.

Dahil sa lawak ng pinsala sa mga pasilidad, sinabi ng kalihim na kakailanganin ng mahabang panahon para sa rehabilitasyon bago maibalik sa normal ang produksyon at presyo sa merkado.

--Ads--

Iginiit ni Garin na ang usapin ay hindi na lamang problema sa gasolina kundi ganap na itong problema sa ekonomiya. Ayon sa kanya, ang epekto ng mataas na presyo ng petrolyo ay nagsilbing mitsa para sa krisis sa iba pang mga industriya.

“Ang epekto ng mataas na presyo ng langis ay nararamdaman na sa agrikultura, kalakalan, transportasyon, at kalusugan. Lahat po ng sektor ay apektado na nito,” pahayag ng kalihim.

Sa kasalukuyan, patuloy na binabantayan ng DOE ang pandaigdigang sitwasyon habang naghahanap ng mga paraan upang maibsan ang epekto nito sa mga mamamayang Pilipino.