--Ads--

Tumanggi ang Department of Justice (DOJ) na magbigay ng detalye hinggil sa posibilidad na agad na dalhin sa International Criminal Court (ICC) si Sen. Bato Dela Rosa sakaling maaresto.

Ayon kay Justice Secretary Frederick Vida, itinuturing itong “operational matters” kaya hindi na maaaring pag-usapan o isapubliko upang hindi maapektuhan ang proseso at ang layunin na maipadala ang senador sa The Hague, Netherlands.

Dagdag pa ng DOJ, hindi pa nila maaaring ilahad ang susunod na hakbang ng pamahalaan kaugnay sa pagproseso ng pag-aresto at posibleng turnover ng mambabatas kung ito ay mapasakamay ng mga awtoridad.

Tumanggi rin si DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez na magbigay ng kumpirmasyon o detalye sa magiging proseso, at sinabing ang pag-aresto ay nasa kamay ng mga law enforcement agencies tulad ng PNP at NBI.

--Ads--

Aminado ang DOJ na natatangi ang sitwasyon ng kaso, na maihahambing din sa mga naunang isyu kaugnay ng dating Pangulo Rodrigo Duterte. Giit pa ng kagawaran, ipatutupad nila ang arrest warrant mula sa international tribunal habang patuloy na iginagalang ang karapatan ng akusado.