Nagpaalala ang isang Doktor sa tamang pangangalaga ng puso ngayong araw ng mga puso.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Mel Lazaro, sinabi niya na isa sa mga nangungunang sanhi ng kamatayan ay ang sakit sa puso ngunit maaari naman itong maiwasan.
Kinakailangan aniya na alagaan ng maayos ang puso dahil isa ito sa pinaka-importanteng organ ng isang tao.
Mayroon aniyang iba’t ibang risk factor kung bakit nagkakaroon ng sakit sa puso ang isang tao gaya ng mataas ang cholesterol, hypertension, labis na pag-inom ng alak atbp.
Umiwas aniya sa mga pagkain na nakakapagpataas sa cholesterol para hindi tumaas ang blood pressure, ugaliing mag-exercise at dapat balance diet.
Napaka-importante na iwasan ang bisyo gaya na lamang ng paninigarilyo at pag-inom ng alak.
Ang mga sintomas ng pagkakaroon ng sakit sa puso ay ang mabilisang pagkapagod, palagiang pagsakit ng dibdib at pagtaas ng blood pressure.
Mayroong mga pagkakataon na congenital ang pagkakaroon ng sakit sa puso kung saan bata pa lamang ay nagkakaroon na sila ng sakit na ito kaya mainam para sa mga magulang na obserbahan ang kanilang mga anak.