Naghain ng resolusyon si House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila de Lima para imbestigahan ang umano’y kakulangan ng konsultasyon sa extension ng Financial or Technical Assistance Agreements (FTAAs) sa sektor ng pagmimina.
Sa House Resolution 1016, iginiit ni De Lima na kailangang beripikahin kung tumalima ang Department of Environment and Natural Resources–Mines and Geosciences Bureau (DENR-MGB) sa obligadong konsultasyon sa pag-isyu at pag-renew ng mining permits at FTAAs, at kung naipagtanggol ang karapatan ng mga apektadong komunidad.
Binigyang-diin niya na ang konsultasyon ay hindi lamang pormalidad kundi mahalagang proseso kung saan dapat mabigyan ng kapangyarihan ang komunidad na tumutol o magpahayag ng hindi pagsang-ayon sa mga proyektong makaaapekto sa kanilang kabuhayan at kalusugan.
Giit pa ng mambabatas, ang mga kalahating hakbang na hindi tunay na nagbibigay ng boses sa komunidad ay itinuturing na pawang palabas lamang at hindi tunay na konsultasyon.
Ayon pa kay De Lima, dapat tiyakin na ang bawat saloobin ay napapakinggan at nirerespeto, alinsunod sa mga probisyon ng Local Government Code at Philippine Mining Act na nagtatakda ng public consultation bago ipatupad ang mga proyekto.
Tinukoy rin sa resolusyon ang ilang FTAA, kabilang ang sa OceanaGold Philippines sa Nueva Vizcaya at Quirino, at Sagittarius Mines, Inc. sa Tampakan, South Cotabato, na umano’y hindi dumaan sa sapat na konsultasyon.
Giit pa niya, ang pag-renew ng FTAAs ay dapat may panibagong konsultasyon dahil maaaring nagbago na ang kalagayang pangkapaligiran at panlipunan na hindi na sakop ng dating pahintulot.











