Inihain na ang kasong Reckless Imprudence Resulting in Physical Injury and Damage to Property at paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa tsuper na nakabangga sa mag-ama sa San Fermin Cauayan City.
Matatandaang nasugatan ang isang pitong taong gulang na batang babae na bumibili lamang ng ulam kasama ang kanyang ama na si Ginoong Arsad Matuan matapos na masagasaan ng humaharurot na SUV.
Batay sa pagsisiyasat ng Cauayan City Police Station, bago ang insidente ay naging target ng buy bust operation ang pinaghihinalaang suspek ngunit nakatunog umano ito na pulis ang katransaksyon kaya nagtangka itong tumakas.
Sa kanyang pagtakas gamit ang kanyang sasakyan ay naging mabilis ang kanyang patakbo sanhi upang masagasaan ang mag-aamang bumibili ng ulam sa gilid ng kalsada.
Dito na nakorner ng mga pulis ang suspek at sa paghahalughog sa kanyang sasakyan at bag ay nadiskubre ang dalawang heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng isang libong piso.
Nakuha rin sa kanyang pag-iingat ang ibat ibang personal na gamit at foil.
Ayon sa pulisya matapos maaresto ang suspek ay nag-waiver ito at binigyan ng sampung araw para makapaghain ng counter affidavit kaugnay sa mga reklamo laban sa kanya.
Sa kabila nito, mananatili naman siya sa kustodiya ng pulisya at nang subukan ng Bombo Radyo Cauayan na kunan ito ng pahayag ay tumanggi na itong magsalita kaugnay sa pangyayari.