--Ads--

Kinumpirma ng Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court (ICC) ang lahat ng kasong isinampa laban kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte kaugnay ng umano’y crimes against humanity of murder sa ilalim ng kanyang kampanya kontra ilegal na droga.

Sa inilabas na desisyon, sinabi ng ICC na may sapat na ebidensiyang iniharap ang Office of the Prosecutor upang ituloy sa susunod na yugto ang kaso. Kabilang sa mga kinumpirmang kaso ang tatlong bilang ng crimes against humanity na may kaugnayan sa pagkamatay ng 78 biktima ng extrajudicial killings sa Pilipinas.

Dahil dito, pormal nang uusad sa paglilitis ang kaso laban kay Duterte sa The Hague, Netherlands, kung saan masusing tatalakayin ang mga ebidensya at testimonya ng magkabilang panig.

Ang hakbang na ito ay kasunod ng naunang desisyon ng Appeals Chamber na nagpapatibay sa hurisdiksiyon ng ICC sa mga krimeng naganap bago ang pag-atras ng Pilipinas sa Rome Statute noong 2019.

--Ads--

Ayon sa mga analyst, mahalagang yugto ito sa pandaigdigang hustisya, dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na isang dating lider mula sa Timog-Silangang Asya ang haharap sa ganitong uri ng paglilitis sa ICC.