Sumiklab ang karahasan sa Mexico matapos mapatay ang drug lord sa bansa sa isang operasyon ng pamahalaan sa tulong ng US intelligence.
Napatay si Nemesio Oseguera Cervantes, kilala bilang El Mencho, ang pinuno ng Jalisco New Generation (CJNG) drug cartel matapos malubhang masugatan sa bakbakan sa pagitan ng kanyang mga tagasuporta at militar nitong Linggo.
Apat na miyembro ng CJNG ang nasawi sa operasyon sa bayan ng Tapalpa sa Jalisco, at tatlong sundalo naman ang nasugatan, ayon sa Mexican Defence Ministry.
Bunga ng pagkamatay ng drug lord, kumalat ang karahasan sa hindi bababa sa labindalawang estado, kung saan hinarangan ng CJNG ang mga kalsada gamit ang nasusunog na sasakyan.
Nagkaroon ng ulat ng mga armadong lalaki sa mga kalye ng Jalisco at iba pang lugar, habang nakuhanan ng video ang mga usok sa ilang lungsod kabilang ang Guadalajara, isa sa host cities ng nalalapit na FIFA World Cup.
Nagdeklara ng code red ang Gobernador ng Jalisco na si Pablo Lemus Navarro, kung saan pinahinto ang pampublikong transportasyon at kinansela ang mga pampublikong pagtitipon at face-to-face classes.











