Nilinaw ni Senate President Sherwin “Win” Gatchalian na saklaw ng 90-araw na suspensyon ni Senador Jinggoy Estrada ang lahat ng kanyang tungkulin bilang mambabatas, kabilang ang pagiging senator-judge sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Gatchalian, habang suspendido ang isang senador, nawawala rin pansamantala ang lahat ng kanyang kapangyarihan at responsibilidad sa Senado.
Ibig sabihin, hindi rin siya makakalahok sa anumang proseso ng impeachment bilang hukom ng Senado habang umiiral ang kanyang suspension.
Ipinaalala rin ng Senate President na hindi na bago ang ganitong sitwasyon, dahil mayroon nang mga naunang kaso ng suspensyon ng mga senador sa nakaraang taon.
Matatandaan na noong Hunyo 16, nagpalabas ang Sandiganbayan ng preventive suspension laban kay Estrada kaugnay ng kasong graft. Nahaharap din ang senador sa iba pang kasong plunder at graft na may kaugnayan umano sa mga flood control projects.
Ayon sa batas, partikular sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, kinakailangang pansamantalang alisin sa pwesto ang isang opisyal habang nililitis ang kasong graft.
Samantala, nilinaw din ni Gatchalian na mananatiling sinusunod ng Senado ang Saligang Batas pagdating sa impeachment process. Kinakailangan pa rin ang boto ng dalawang-katlo ng lahat ng senador para mahatulan at ma-convict ang isang opisyal.










