--Ads--

Patay ang isang 21-anyos na estudyante matapos masangkot sa isang self-accident sa kahabaan ng national road sa Purok 7, Barangay Laoag, San Agustin, Isabela bandang alas-10:20 ng gabi noong Pebrero 21 ng kasalukuyang taon.

Kinilala ang biktima na si Mike, hindi tunay na pangalan, binata, estudyante at residente ng nasabing barangay. Sakay siya ng isang motorsiklong Honda XRM nang mangyari ang insidente.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ng San Agustin Police Station, binabagtas ng biktima ang south direction patungong Barangay Panang nang mawalan umano siya ng kontrol sa minamanehong motorsiklo at bumangga sa isang traffic directory o palatandaan sa gilid ng kalsada.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga, nagtamo ang biktima ng malubhang pinsala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

--Ads--

Isinugod siya ng Rescue 111 ng San Agustin sa Prospero G. Bello Integrated Hospital sa bayan ng Jones para sa paunang lunas at kalaunan ay inilipat sa Southern Isabela Medical Center sa lungsod ng Santiago. Gayunman, idineklarang patay ang biktima habang ginagamot sa ospital.

Ayon sa pulisya, isang concerned citizen ang nagbigay ng impormasyon hinggil sa aksidente bandang alas-10:40 ng gabi. Agad namang rumesponde ang mga mobile patrollers at imbestigador ng San Agustin Police Station sa pinangyarihan ng insidente.

Samantala, dinala sa himpilan ng pulisya ang motorsiklo ng biktima para sa kaukulang disposisyon.