--Ads--

Sinaksihan ng mga European Union Observers ang pagdating at pamamahagi ng mga election paraphernalia na gagamitin sa darating na 2025 National and Local Elections sa Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Slywia Pecio Madebo, Long Term Observer ng European Union, sinabi niya na kabilang siya sa 72 na European Union Observers na idineploy sa buong bansa para sa darating na halalan matapos silang imbitahan ng Commission on Elections o Comelec.

Aniya maliban sa kanilang mga bago ay may mga dati nang observers ng EU sa bansa at may mga short term observers pang darating.

May isang team aniyang darating sa Isabela at sa mismong halalan ay nasa dalawandaang observers ang idedeploy na magkoko-cover sa halalan sa buong bansa.

--Ads--

Masaya naman sila sa mainit na pagtanggap sa kanila sa Pilipinas para sa kanilang mandato na magbantay sa pre-election hanggang matapos ang halalan sa bansa.

Aniya ang tanging misyon nila sa pag-observe ng halalan sa bansa ay ang non-interference, independent at mapayapang halalan.

Sa ngayon ay hindi naman muna umano sila maglalabas ng anumang pahayag kaugnay sa kanilang obserbasyon sa election period dahil matapos ang dalawang buwan ay saka lamang sila maglalabas ng dokumento na ibibigay mismo sa pamahalaan at sila na ang maglalabas ng impormasyon.