Nakatakdang tumestigo si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa pagdinig ng kasong malversation laban kay dating Senador Ramon “Bong” Revilla sa Sandiganbayan Third Division sa Agosto 12.
Magaganap ito sa kabila ng naunang desisyon ng Sandiganbayan na huwag alisin si Bonoan bilang isa sa mga akusado sa hiwalay na kasong graft laban kay Senador Jinggoy Estrada upang gawin siyang state witness sa mga kasong may kaugnayan sa flood control projects.
Ayon sa korte, hindi na maaaring magkaroon ng malaking pagbabago sa sakdal laban kay Estrada dahil nabasahan na ito ng impormasyon. Binigyang-diin din ng Sandiganbayan na ang pag-alis kay Bonoan bilang akusado ay maaaring makaapekto sa depensa ni Estrada at magbago sa teorya ng kaso mula sa conspiracy o sabwatan tungo sa individual liability o pansariling pananagutan.
Matatandaang pansamantalang nakalaya si Revilla matapos magpiyansa ng P1 milyon para sa kinahaharap na kasong malversation.










