Inihayag ng Freedom from Debt Coalition (FDC) na maaaring humantong sa isang matinding krisis sa utang na kahalintulad ng naranasan ng bansa noong dekada 1980 ang patuloy na pagtaas ng utang ng Pilipinas, na umabot na umano sa P18.55 trilyon nitong katapusan ng Mayo.
Sa isinagawang State of the Debt Address ng FDC at AIDS Healthcare Foundation, sinabi ng grupo na mas malaki na umano ang inilalaan ng pamahalaan para sa pagbabayad ng utang kaysa sa pondo para sa mga pangunahing serbisyong kinakailangan ng mga Pilipino.
Ayon pa sa FDC, tila nagiging pangunahing paraan na ng pamahalaan ang pangungutang upang makalikom ng pondo dahil ito ang pinakamadaling opsyon para matustusan ang mga pangangailangan nito.
Sinabi ni FDC Secretary General Rovik Obanil na ang mga mamamayan ang higit na naaapektuhan sa ganitong sistema dahil bukod sa pagbabayad ng buwis ay nararanasan din nila ang kakulangan sa mahahalagang serbisyo, kabilang na ang serbisyong pangkalusugan, na aniya’y pinalalala pa ng katiwalian at mga proyektong hindi nagiging kapaki-pakinabang gaya ng mga umano’y ghost flood control projects.
Samantala, nanawagan naman si Dr. Ryan Guinaran, Country Program Manager ng AIDS Healthcare Foundation Philippines, para sa isang patas, malinaw, at may pananagutang sistema sa pangungutang ng pamahalaan nang hindi naaapektuhan ang kalusugan at kapakanan ng mga Pilipino.











