Binigyang-diin ng Federation of Free Farmers na hindi sustainable ang Benteng Bigas Meron Na Program ng Pamahalaan matapos aminin ng Department of Agriculture na mahirap na itong maipagpatuloy dahil sa tumataas na presyo ng mga farm inputs.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Federation of Free Farmers Chairman of the Board Leonardo Montemayor, sinabi nito na hindi realistic ang naturang programa lalo na kung nasa 20 pesos din ang buying price ng palay kaya malulugi ang pamahalaan kung ibebenta rin nila ito sa kaparehong halaga.
Dahil sa tumaas nang husto ang presyo ng mga farm inputs ay mas mahihirapan ang pamahalaan kung ipipilit paring ipagpatuloy ang programa kahit pa isubsidize ito ng malaki ng Gobyerno kaya nararapat lamang na ihinto na ito.
Isa sa mga sinasabing dahilan ng bahagyang pagbaba ng presyo ng bigas sa mercado sa mga nakalipas na pagkakataon ay dahil umano sa pagbebenta ng pamahalaan ng 20 pesos na bigas at may pangamba ang ilan na kung matitigil ang naturang programa ay baka maging dahilan ito ng pagsipa ng husto ng presyo ng bigas.
Gayunman, sinabi ni Montemayor na matagal na talagang mahal ang presyo ng bigas sa merkado at kakaunti lang naman ang volume ng bigas na ibinebenta ng pamahalaan sa murang halaga kaya hindi umano ito makaaapekto sa presyo.
Sa ngayon pa lamang ay mayroon na umanong bahagyang pagtaas sa presyo ng bigas dahil sa pagtaas ng mga gastusin sa pagsasaka.











