Tuluyan nang naideklarang fire out* ang naitalang forest fire sa bahagi ng Samoki, Bontoc, Mountain Province makaraang halos ilang araw na fire suppression operation ng mga otoridad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FO1 Fely Layagan, Provincial PIO ng BFP Mountain Province, sinabi nito na alas-10:50 ng umaga ngayong April 21 nang opisyal na ideklarang naapula na ang sunog na unang iniulat alas-1 ng hapon noong April 19.
Ayon kay FO1 Layagan, umabot ng halos apat na araw ang isinagawang operasyon dahil sa hirap ng terrain sa nasabing lugar kung saan hindi kayang abutin ng fire trucks kaya kinakailangang maglakad paakyat ang mga rumespondeng bumbero.
Dagdag pa nito, knapsack sprayers, rakes at iba pang manual tools lamang ang ginamit ng mga responders sa pag-apula ng apoy, katuwang ang mga community volunteers na tumulong sa operasyon.
Sa kabila ng lawak ng sunog, tiniyak ng BFP na walang naitalang nasunog na mga kabahayan dahil agad na naagapan at na-contain ang apoy bago pa ito kumalat sa mga residential area.
Bagamat may ilang naiulat na nasirang hose na pribadong pag-aari, wala pang opisyal na ulat hinggil sa kabuuang pinsala habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa pinagmulan ng sunog.
Aminado ang BFP na isa ito sa pinakamalawak na forest fire na naitala sa lugar, bagamat may mga nauna nang maliliit na insidente sa nakalipas na mga taon.
Samantala, patuloy ang paalala ng Bureau of Fire Protection sa publiko na maging maingat upang maiwasan ang kahalintulad na insidente, kabilang na ang pagpapaigting ng information at education campaign, pakikiisa sa mga barangay assembly, at pagpapatupad ng fire line sa mga high-risk areas.











